Sana..
Kakatapos ko lang basahin ang mga bagay bagay na may kinalaman sayo. Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko.
Kanina, sabi ko sa sarili ko, namimiss ko na siya, tignan ko nga ang facebook niya hanggang sa kahuli hulihan. Alam ko marami akong makikita. May mga nakakatuwa, may mga parang okay lang naman, may mga bagay na napapawow sakin, pero may mga bagay din na tila napahinto ako sandali.
Ayan meron akong biglang natanggap na mensahe galing sayo na nagsasabing mahal mo ako. Uhm hindi ko alam ang iisipin sa mga panahon na ito. Ang mga nakita ko kanina, parang binigyan ako ng mga bagay para isipin.
January 15, 2011 at October 5, 2010. Tanda mo pa ba ang mga petsang ito? Uhm sa totoo lang wala naman na akong pakialam eh pero hindi ko alam ang lakas ng hatak sakin ng mga ito. Ang mga nakaraan, parang sabi ko sana pala hindi ko na lang tinignan ang nakaraan niya. Sana pala maging masaya na lang ako kung ano man ang nangyayari at kung ano man ang meron saming dalawa. Gusto ko lang namang makita kung anong meron noon sayo. Pero parang nagkamali naman yata ako. Biglang bumigat ang aking nararamdaman. Biglang gusto ko na lang matulog at sana sa paggising ko wala na tong nararamdaman ko.
Hindi pa ako nakuntento, nitignan ko pa ang mga ibang post dito sa site na ito. Hai mas parang lalong dinudurog ang aking puso. Nanghihina ako sa mga nakikita ko. Alam ko hindi mo kasalanan, at ako ang may problema. Pero sa totoo lang umaapaw ang emosyon ngayon sa aking buong katawan. Hindi ko mapigilan ang aking mga daliri na pumilantik sa aking keyboard at magsulat at ilabas ang aking nararamdaman.
Habang binabasa ko ang bawat matatamis na salita sa iyong profile, alam kong para iyon sa kanya. Hindi ko naman kailangang magselos dahil sabi mo nga sa akin wala na ang lahat. Pero hindi ko pa rin maiiwasang mapaisip kung ano man ang meron kayo noon. Sabi ko sa sarili ko kanina, parang narinig ko na ang mga salitang ito. Ayaw kong mabuhay sa pagmamahal mo na gamit ang mga lumang salita na iyon na ginagamit mo rin sa kanya. Ayaw kong manatili sa alaala niya. Ayaw kong mahalin mo ako tulad ng pagmamahal mo sa kanya. Oo makasarili ako. Oo demanding ako. Oo masama ako, pero ang gusto ko lang naman eh mahalin mo ako kung sino ako, mahalin mo ako sa paraang alam mo kung paano mahalin ang isang babaeng tulad ko. Wag mo akong mahalin sa paraang nagpanday sayo ng mga nakaraan.
Ginoo, may oras ka pa para umalis. May oras ka pa para maglaho sa buhay ko bago ko pa masabi sa sarili ko na sana hindi na lang kita nakilala. Sana hindi na lang tayo nagkatagpo. Sana hindi na lang ako pumunta doon. Sana. Wala naman akong duda sayo. Tinatanong ko ng pilit ang sarili ko, sana totoo lahat ng sinasabi mo, sana totoo lahat ng pinapakita mo, sana totoo ka. Sana magpakatotoo ka lang sa sarili mo. Sabi ko nga sayo, wag mong sabihing square ang bilog at kailan man hindi magiging bilong ang square.
Ito lamang ang munti kong hiling. “Imitation will kill the trust.” Sabi ng kantang pinapakinggan ko ngayon. Totoo. Sakto. Sana ganon nga. Humihingi ako ng tawad kung ano man ang nasabi ko sa taas. Hindi ko alam. Sulat lang ako ng sulat. Ang emosyon ko ang dahilan ng lahat ng sinulat ko dito. Hindi na ako nag-iisip. Hindi ko na pinag-iisipan kung ano ba ang isusulat basta sulat lang ng sulat.
Ginoo, masasabi kong mahalaha ka sa buhay ko, sana ganon din ako. Hindi ako selosa, gusto ko lang maiba. Ayaw kong mahalin mo ako, tulad ng pagmamahal mo sa iba. Ayaw kong gawin mo sakin ang mga ginawa mo sa kanila, ayaw kong sabihin mo sakin ang mga sinabi mo na sa kanila. Hindi ako sila. Sana wag mong ipahintulunan na balang araw sabihin kong pare-pareho lang kayong mga lalaki. Ginoo sana iba ka sa kanila. Sana..